Publikasyon

2015
SALIKSIK UP
SALIKSIK UP.; 2015.Abstract
"Pangunahing layunin ng proyektong ito na patunayang maibabahagi ang bunga ng mga saliksik sa iba't ibang larang ng kaalaman sa daluyan ng wikang Filipino. Dalawa ang direksiyon ng pagbabahaging ito: ang katipunang ito ng mga salin sa wikang Filipino ng mga abstrak ng mga saliksik, at ang serye ng mga panayam na sa wikang Filipino ng mga saliksik."
Sining at Lipunan (Pangalawang Edisyon)
Sining at Lipunan (Pangalawang Edisyon).; 2015.Abstract
Mula sa pasasaoriblema sa konsepto ng sining, tinatahak ng diskusyon ng textbuk na ito ang mahalagang aspekto ng sining at ang proseso ng pagbuo at pagbago nito sa kamay ng tao at lipunang binubuo at binabago rin ng sin ing. Ang aspekto ng anyo, wika, produksiyon at pamana ng sining ay itinatanghal bilang mahahalagang salik sa pagsisiyasat sa sining at sa komplikadong ugnayan nito sa lipunan.
Katutubo at Banyaga: Pagtalunton sa Usaping Pangwika sa Pilipinas
Katutubo at Banyaga: Pagtalunton sa Usaping Pangwika sa Pilipinas.; 2015.Abstract
Ang aklat na ito ay unang bahagi ng serye ng dalawang aklat na kritikal na pag-aaral sa pinagdaanang kasaysayan ng wikang pambansa ng Pilipinas. Sa unang bahagi ng serye, tinalunton ang naging papel ng mga institusyon, indibidwal, at grupo o mga samahan kaugnay ng pagbubuo ng bansa sa pamamagitan ng wikang pambansa, sa panahon ng Amerikano at Hapon, hanggang sa pagkakamit ng kalayaan noong 1946. Partikular na tinalagay dito ang papel ng mga indibidwal na Amerikano na hindi sumang-ayon sa patakarang pangwika ng gobyernong Amerikano sa Ingles, ang mga indibidwal na Pilipinong karamiha’y mga manunulat at peryodista, at mga samahang pangwika na nabuo sa panahong iyon bilang reaksiyon sa pagdomina ng Ingles lalo na sa larangan ng edukasyon. Naglista rin ng mga pahayagang nalimbag sa panahong iyon na tumalakay sa mga isyung pangwika. Ang bilang o dami ng mga pahayagang ito, di lang sa Pilipinas kundi maging sa Amerika ay nagpatunay na gintong panahon ng pamamahayag at pagsusulat ng mga saloobin at opinyon ang panahong ito.
2014
Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon at Iba pang Dula
Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon at Iba pang Dula.; 2014.Abstract
Naglalaman ng anim na isinaling dula ang aklat na naitanghal na noon sa Dulaang UP, Metropolitan, Vinzon’s Hall sa UP at sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nailathala na rin ang mga ito tulad ng “Nora” sa salin ng “A Doll’s House ni Henrik Ibsen sa Malay, ang Dyornal sa De La Salle University, sa 18 Plays Translated in Filipino ang “Kalahating Oras sa Isa Kumbento” (Half An Hour In A Convent), “Tatlong Ulupong” (Three Rats) , at “Katanungan” (Question Mark) ni Wilfrido Ma. Guerrero. Matatagpuan rin sa publikasyon ng Diwa ang ilang sipi mula sa mga dulang “Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon” (Much Ado About Nothing) ni William Shakespeare, “Anim na Tauhang Naghahanap ng Mangangatha” (Six Characters in Search of an Author) ni Luigi Pirandello at “Nora” ni Hendrik Ibsen. Sinikap ng tagasalin na higit na kontemporaneo ang lengguwahe sa ginawang rebisyon sa mga dula. Nilangkapan rin ng mga tanong bilang Gabay sa Pag-aaral at Talambuhay ng Awtor ang bawat dula upang lubos na makatulong sa mga mambabasa/mag-aaral at/o magtatanghal ng mga dula.
NALANDANGAN: Kulturang Kapayapaan ng Inay Malinandang ng Talaandig
NALANDANGAN: Kulturang Kapayapaan ng Inay Malinandang ng Talaandig.; 2014.Abstract
Ang aklat ay tungkol sa halagahan at aral na halaw mula sa pamamaraan at kilos-kapayapaan ng kababaihang Talaandig. Mga salaysay ng mga Inay Malinandang, mga nanay na kumikilos para sa kapayapaan ang naging daan na nagbukas sa mundo, pananaw, at halagahan ng malawak na salitang kapayapaan ng Talaandig. Inilalahad sa aklat na ito ang mga resolusyon, kautusan, at batas mula sa United Nations at Kagawaran ng Edukasyon ng Pilipinas tungkol sa ugnayan ng kilos-kapayapaan ng kababaihan, paglalahad at pagsusuri ng isang halimbawang gabay sa pagtuturo ng Edukasyong Pangkapayapaan at pagtanaw sa kahulugan at nilalaman ng Edukasyong Pangkapayapaan sa bansa. Isinama ang mga aral at halagahang halaw mula sa prosesong kapayapaan ng mga Inay Malinandang ng Talaandig. Naglalaman rin ito ng balangkas para sa pagtuturo at pitong modyul sa pag-aaral ng edukasyong pangkapayapaan para sa pagsasanay ng mga gurong magtuturo ng edukasyong pangkapayapaang ng K-12 sa bansa.
2013
Glosari ng mga Salita sa Pagpaplanong Urban at Rehiyonal
Glosari ng mga Salita sa Pagpaplanong Urban at Rehiyonal.; 2013.Abstract
Glosari ng mga Salita sa Pagpaplanong Urban at Rehiyonal: Ang aklat na ito ay isang kalipunan ng mga termino sa pagpaplanong urban at rehiyonal na ang kahulugan ay nasa Filipino. Ang mga termino ay binuo ayon sa pagkakagamit ng mga awtor sa kanilang pagtuturo at ng mga praktisyuner sa pagpaplanong urban at rehiyonal. Maihalintulad ang glosaring ito sa Garden City, nilikha upang magkaroon nang pamalit sa nakagawiang glosari na nasusulat sa Ingles. Pinagsikapan itong isaFilipino upang maipaabot sa higit na maraming mambabasa di lamang sa praktisyoner ng pagpaplanong urban at rehiyonal kundi sa ibang mamamayan na interesado sa pagpaplanong urban at rehiyonal.
Gramar ng Filipino
Gramar ng Filipino.; 2013.Abstract
Gramar ng Filipino: Ang aklat na ito ay magsilbing sanggunian ng mga guro at mag-aaral, at maaaring gawing batayan sa paghahambing ng Filipino sa iba pang mga wika, gaya ng iba pang wika sa Pilipinas, at wikang Asyano na itinuturo sa UP. Ilan lang ito sa mga inilalahad ng Gramar ng Filipino na kaiba o wala sa mga naunang gramatika. Bunga ito ng panibagong pag-aaral ng Filipino ng mass media, at muling pagsusuri ng mga datos na ginamit ng mga naunang gramatika. Ang ganitong pag-aaral ay pangkaraniwan sa linggwistiks, na ang layunin ay ang deskripsiyon ng wika, na dapat ang maging ng pagtuturo a pag-aaral ng wika lalo na’t patuloy na nagbabago ang estruktura at mga proseso ng wika habang hinuhubog ito ng mga manunulat, editor, brokaster, at mga namumuno sa lipunan.
2012
Salindaw: Varayti at Baryasyon
Salindaw: Varayti at Baryasyon.; 2012.Abstract
SALINDAW: Varayti at Baryasyon: Ang salitang salindaw ay nagmula sa wikang Maguindanao at Maranao na ang ibig sabihin ay maningning, marikit, sikat, sinag, o nagbibigay liwanag. Tulad ng wika, ang varayti at baryasyon nito ay tila mga sinag ng araw na nagmumula sa isang malaking liwanag na nakabubuo ng iba’t ibang sinag na espesipikong nagbibigay ng mga diwa sa bawat bahagi ng lipunan. Napili ito upang maipakita ang yaman ng mga salitang Filipino mula sa iba’t ibang wika ng Pilipinas. Nilalayon ng aklat na ito na mabigyan ng linaw ang mga konsepto at teorya, mailahad, masuri at mabigyan linaw ang mga pag-aaral ng varayti at baryasyon sa wikang Filipino sa usaping panglingguwistiks, pangheograpiya, pangkultura, panlipunan, pang-okupasyon at pang-akademya at ang kahalagahan at papel ng mga varayting ito sa konteksto ng pagpaplano sa wikang pambansa.
Pag-oorganisa ng Pamayanan tungo sa Kaunlaran na Mula Tao Para sa Tao
Pag-oorganisa ng Pamayanan tungo sa Kaunlaran na Mula Tao Para sa Tao.; 2012.Abstract
Pag-oorganisa ng Pamayanan tungo sa Kaunlaran na Mula Tao Para sa Tao: Ang aklat na ito ay puno ng kuwento ng buhay na naging patunay na ang “kasaysayan ng sambayanang Pilipino ay kasaysayan ng pag-oorganisa at sama-samang pagkilos ng masa para sa kalayaan at kagalingan ng lipunan.” Ang kuwento sa aklat na ito ay hinabi hindi lamang sa pagtuturo ng pamamaraan ng pag-oorganisa at pagkilos kundi higit sa lahat nagbibigay ng liwanag at lakas ng loob—inspirasyon. Pinatunayan ng awtor na ang kuwento ay mabisang sandata sa paglinang ng daan tungo sa kalayaan at kagalingang panlipunan. Ang layunin ng aklat na ito upang ipagmalaki na ang pag-oorganisa ay bunga ng mga karanasan ng mga mamamayang Pilipino, lalo na ang mga mahihirap sa kanilang pakikipagtunggali sa mga lokal at dayuhang mapagsamantala. Akma ang mga prinsipyo at pamamaraan ng pag-oorganisa na nilahad sa aklat na ito sa panahon ng “Globalisasyon” kung saan mas higit ang kalituhan at ligalig, higit na kailangan ang katulad na aklat na walang sawang pinaaalahanan tayong bumalik sa “basics” “mula sa masa tungo sa masa.”
2011
Pamimilosopiya: Mga Pagdulog at Konsepto
Pamimilosopiya: Mga Pagdulog at Konsepto.; 2011.Abstract
Pamimilosopiya: Mga Pagdulog at Konsepto: Ang salitang “pilosopiya” ay madalas na nagpapahiwatig ng malalim at masalimuot na mga paksa na tila hindi maaaring maunawaan ng karaniwang indibidwal. Sa aklat na ito, ipinapakita ng mga may-akda na, salungat sa karaniwang pananaw, isa itong gawain na bukas kanino man na interesadong mag-isip at magpalawak ng kaalaman. Sadyang mahiwaga ang karaniwang paksa, ngunit di nangangahulugang hindi kayang matarok. Nag-aalok ang aklat na ito ng mga pagdulog na maaaring maging gabay sa pagtalakay at pagtuklas ng likas na kagandahan ng disiplina. Sa ganang ito, mapagtatanto na higit sa lahat, ang pilosopiya ay isang disiplina na isinasagawa, ang pamimilosopiya ay gawain. Ang halaga ng aklat na ito ay matatagpuan sa kakayahan nito na maipakita ang gawain ng pamimilosopiya mula sa maraming aspekto nito tulad ng epistemolohiya, etika, metapisika, at pilosopiyang sosyo-politikal, sa paraang maaabot ng mag-aaral ng kasaysayang ng pandaigdigang kaisipan.
Agsursurotayo nga Ag Ilokano
Agsursurotayo nga Ag Ilokano.; 2011.Abstract
Agsursurotayo nga AgIlokano: Ang aklat ay tungkol sa pag-aaral at pagtuturo ng gramatikang Ilokano. Naglalaman ito ng batayang kasanayan sa pananalita, pakikinig, pagbasa at pagsulat sa kolokyal na Ilokano. Hinati ito sa tatlong yunit na may 15 aralin, na naglalaman ng mga leksiyon na nakasentro sa mga pang-araw-araw na sitwasyon sa tunay na buhay ng isang mag-aaral. Ang mga aralin ay sumusunod sa estruktura ng wikang Ilokano tulad ng nasa Yunit I, isinabay ang pagtuturo ng mga panghalip at mga pangngalan; sa Yunit II naman ay nakapokus sa mga pang-uri, at sa Yunit II ay nakasentro sa pandiwa at pang-abay. Sa ganitong paraan, ang mga batayang kasanayan sa gramar ng bawat leksiyon ay paghahanda sa kasunod na leksiyon.
2007
Cofradia de San Jose (mga Tala ng Kasaysayan)
Cofradia de San Jose (mga Tala ng Kasaysayan).; 2007.Abstract
Mapapansin na sa mga naunang kasaysayan ng Filipinas, ang tuon ng pansin ay ang mga dokumentong magagamit—kolonyal ang katangian at sumasalamin sa kamalayan ng mga kolonyalista. Kung makikita man ang pananaw ng mga Filipino, karaniwan ay mula sa punto de bista lamang ng mga ilustrado na nagtatangkang magpasikat sa mga kolonyalista at ipakita na ang mga Filipino ay kapantay nila at karapat-dapat para sa mga kolonisador sa kanilang teritoryo at sa kanilang sukatan. Marami pa rin sa mga aklat ng kasaysayan ang nagpapahayag ng ganitong pagkiling—ang mga Filipino ayon sa sukat ng “pormal” at “tanggap” na sukatan ng hulmahang Europeo. Maunawaan ang ganitong gawi sa dahilang nais ipakita ng mga Filipino na sila ay dapat na seryosong mabigyan ng tulad na mga karapatan at pribilehiyo na tinatamasa ng mga kolonisador. Ang pag-aaral sa Cofradia de San Jose at sa mga tala nito, lalo na ang mga isinulat ni Apolonario dela Cruz, ay nagbibigay ng perspektibong Filipino sa kaniyang pisikal at espiritwal na daigdig, sa kaniyang nakaraan at sa kaniyang pagkatao.
2005
Santo Tomas de Aquino
Santo Tomas de Aquino.; 2005.Abstract
Naglalaman ang aklat na ito ng ilang artikulo mula sa Summa Theologiae ni Sto. Tomas de Aquino na isinalin sa wikang Filipino. Ipinapaliwanag dito ang kaugnayan nito sa ilang isyung panrelihiyon na nagsisilbing hamon sa sambayanang Filpino sa kasalukuyan. Maaari itong gamiting gabay panrelihiyon sa pang-araw-araw na buhay, kahit na ano pa ang kaniyang pananampalataya at sinanibang iglesya o relihiyong samahan. Isinulat ni Sto. Tomas ang Summa Theologiae para sa mga mag-aaral ng pamantasang nagsisimula pa lamang sa pag-unawa ng Banal na Aral. Hindi niya ito isinulat para sa mga Katoliko lamang para ito sa mga kabataang napakaraming itinatanong tungkol sa relihiyon na tulad ng mag-aaral ngayon, at mga karaniwang Filipino, marami sa kanila ang nalalabuan o kaya’y nababagot sa nakagisnang rehiliyon at pananampalataya.
2003
Kasaysayan ng Filipinas at mga Institusyong Filipino
Kasaysayan ng Filipinas at mga Institusyong Filipino.; 2003.Abstract
Kasaysayan ng Filipinas at mga Institusyong Filipino Binagong Edisyon Ang kasalukuyang aklat ay pagtatangka ng mga may-akda na pahalagahan ang pananaw na maka-Filipino. Ito ang magiging babasahin sa kursong Kasaysayan I, tinatalakay dito ang kasaysayan ng Filipinas at mga institusyong Filipino. Kabilang dito ang mga aspektong pampolitika, pangkabuhayan, panlipunan, at pangkulturang pagyabong ng Filipinas. Inaasahan na matutuhan ng mga mag-aaral ang mga layunin ng kurso na magkaroon ng malawak na pananaw sa kasaysayan sa Filipino upang mapalahagahan ang mayamang pamana ng kalinangang Filipino; maitaguyod ang kamalayang makasaysayan sa malinaw na paglalahad sa pamamagitan ng makaagham na pamamaraan ng pag-aaral at pagsusulat ng kasaysayan; at mapatindi ang marubdob na pag-alam na kaakibat ang mataas na antas ng moral at intelektuwal na katapatan sa sarili at sa bayan.
2002
Teorya ng Batas
Teorya ng Batas.; 2002.Abstract
Tinatalakay ang aklat na ito ang iba’t ibang teorya ng batas lalo na iyong nagmumula sa tradisyon ng Klasikong Etika at ng Agham Panlipunan. Gayundin ang teorya ng batas ng Klasikong Likas ng Batas, Karapatang Likas, Makasaysayang Hurisprudensiya, Sosyolohikong Hurisprudensiya at Realismong Panlegal ng Amerika. Maingat at ganap na ipinaliwanag ng may-akda ang mga katangian at ang mga kritisismo sa bawat teorya ng batas. Ipinakita rin niya ang kahalagahan at ang kaugnayan ng pag-aaral ng pilosopiya ng batas para sa mag-aaral, hindi lamang sa pag-unawa ng batas, kundi sa pag-intindi ng mga panlipunan at pampolitikang problema sa mundo at kaniyang pagkatao mismo.
2001
Memoria H
Memoria H.; 2001.
Viva Filipinas
Viva Filipinas.; 2001.Abstract
Sa tulong ng wikang Filipino, pinagagaan ng libro ang pag-aaral ng Kastila at pinatutunayan na maraming salitang Filipino ay galing sa Kastila. Itinatampok din dito ang pagpapayaman ng kaalamang pangkasaysayan at pangkultura ng mga estudyante. Mahalaga sa pag-aaral ng alinmang lengguwahe ang pagkakaroon ng sapat na bokabularyo. Ang pagbibigay-diin dito ang ikinaiba nito sa ibang libro na ginagamit sa pagtuturo ng wikang Kastila. Iba Pang Aklat
2000
Si Alice sa Daigdig ng mga Hiwaga
Si Alice sa Daigdig ng mga Hiwaga.; 2000.Abstract
Isang salin sa Filipino ng sikat na kuwento ni Lewis Carroll na Alice in Wonderland. Itinatampok sa libro ang samotsari at makukulay na karanasang nabuo sa pusod ng isip ng bata. Ipinaloob sa makabagong parabula at paradoha ang pagsasalikop ng dahas at paglaya, ng lungkot at pagtuklas ng pagbabanyuhay at pagmamahal.
1999
Paglilitis kay Rizal
Paglilitis kay Rizal.; 1999.Abstract
Iniaalay ang munting akdang ito para sa pagdiriwang ng sentenaryo ng kalayaan ng bansang Filipino—ang dakilang bunga ng pagkabitay ni Gat. Jose P. Rizal. Marapat na unawain ang mga pangyayaring naganap sa paglilitis ng mga krimeng ipinaratang sa kaniya. Kabilang dito ang usapin na siya ang utak ng rebolusyon noong Agosto 26, 1896 at ang pagkatatag ng La Liga Filipina na sinasabing kinasangkapan sa pag-aaklas ng mga Filipino. Sa pamamagitan ng aklat na ito, masusuri at mapag-aaralang mabuti ang mga dokumentong may kaugnayan sa paglilitis kay Rizal.

Pages