Daluyan

DALUYAN

 

Ang Daluyan: Journal ng Wikang Filipino ay isang pambansang refereed journal na inilalathala kada taon. Ang Daluyan ay monolingguwal sa Filipino at may layuning paunlarin ang pag-aaral at pananaliksik tungkol sa wika, panitikan at kulturang Filipino at pagyamanin ang diskurso sa iba't ibang disiplina sa wikang Filipino. Bahagi ng programang Filipino bilang wika ng saliksik, ang Daluyan ay espasyo para sa tuloy-tuloy na intelektuwalisasyon ng wikang Filipino.

 

Nagsimula bilang newsletter ng Sentro ng Wikang Filipino ng Sistemang UP sa mga unang taon nito, 1995 nang baguhin ang anyo ng Daluyan mula 8.5 x 11 inches tungong 5.75 x 8.75 inches at tinawag itong Daluyan: Journal ng SWF sa mga Talakayang Pangwika na inilalathala dalawang beses isang taon. Sa unang isyu nito itinampok ang mga artikulo kaugnay ng gawaing pagsasalin.

 

Taong 2004 naging refereed journal ang Daluyan. Binago ang anyo kasabay ang mga mahalagang pagbabago sa Journal. Pinararaan sa mahigpit na proseso ng pagre-referee ang lahat ng artikulo na magiging bahagi ng Daluyan.

 

Taong 2012, sinimulan ng Daluyan ang paglipat mula print tungo sa online open access para sa pag-abot sa mas malawak na mambabasa. At taong 2013, naging kabilang na ito sa accredited journal ng Commission on Higher Education. Ginawa ring anwal ang paglalathala ng Daluyan sa taong ito.

 

Kasabay sa panawagan ng Unibersidad na iangat ang antas ng pamantayan ng journal sa buong unibersidad, umagapay ang SWF sa pamamagitan ng Daluyan na magbahagi ng espasyo para sa patuloy na pagpapanday ng wikang Filipino. Bukas ang Daluyan sa mga pag-aaral hindi na lamang tungkol sa wika kundi sa iba pang larang tulad ng arte, humanidades, agham panlipunan, at maging agham at matematika. Bilang monolinggual na journal, ipinapakita nito ang kakayahan ng wikang Filipino bilang wika ng akademya sa mga talastasan tungo sa intelektuwalisasyon ng iba’t ibang mga larang.

 

Para sa mga interesadong magsumite ng artikulo, tumawag sa 924-4747 o 426-5838 o kaya ay mag-email sa swf.daluyan@gmail.com.

daluyan_panawagan.doc37 KB
daluyan_form.pdf28 KB