UP DIKSIYONARYONG FILIPINO
• Binubuo ng mahigit 100,000 lahok na salita na lumalagom sa iba't ibang wika sa Filipinas at sa mga modernong wika sa daigdig.
• Gumagamit ng 28 titik ng alpabetong Filipino.
• Inilangkap ang bago, ang kolokyal, at ang sinaunang mga wika sa Filipinas.
• Masusing inilahok ang tama at angkop na bigkas, baybay, gamit, varyant, at kahulugan ng mga salita upang madaling maintindihan ng mambabasa.
Produkto ang diksiyonaryong ito ng mahigit limang taong pananaliksik ng mga dalubhasa sa wika na sumuyod sa halos lahat ng mahahalagang sanggunian na matatagpuan sa Filipinas. Inipon ang mga katawagan sa sari-saring disiplina, tradisyonal na hanapbuhay, at makabagong larang, gaya sa aeronawtika, agham computer, agrikultura, anatomiya, antropolohiya, arkitektura, astrolohiya, astronomiya, biyolohiya, biyokemistri, edukasyon, ekolohiya, ekonomiks, etnolohiya, heograpiya, heolohiya, inhinyeriya, isports, karpinteriya, kemistri, kinetikang pantao, komersiyo, lingguwistika, literatura, matematika, medisina, militar, mitolohiya, metalurhiya, meteorolohiya, musika, agham nawtika, pelikula, pilosopiya, pisika, sayaw, sikolohiya, sosyolohiya, at teatro.
Binubuo ito ng mahigit 100,000 lahok na salita na lumalagom sa iba't ibang wika sa Filipinas at sa mga modernong wika ng daigdig. Kabilang dito ang mga wikang katutubo gaya ng Abaknon, Agutayanen, Agta, Bajaw, Bagobo, Balangaw, Bantoanan, Bikol, Bilaan, Bisaya, Buntuanon, Chabacano, Cuyonen, Filipino, Higaonon, Hiligaynon, Ibanag, Ibaloy, Ifugaw, Igorot, Ilonggo, Ilonggot, Iluko, Itneg, Ivatan, Kalagan, Kalinga, Kankanaey, Kapampangan, Karaw, Jama Mapun, Mandaya, Manobo, Mansaka, Mangyan, Maranaw, Pangasinan, Palawan, Sebwano, Tagalog, Tagbanwa, Tausug, Tiboli, Tiruray, Waray, Yakan, at Zambal. Kabilang naman sa mga wikang daigdig ang Arabiko, Espanyol, French, German, Greek, Ingles, Italian, Japanese, Latin, Malay, Portuges, Sanskrit, Swahili, Tsino, at iba pa.
Naglilinaw ang UP Diksiyonaryong Filipino hinggil sa mga salitang ginagamit sa iba't ibang wika sa Filipinas, bukod sa pagsasaad ng mga tumpak na ispeling at estilo ng pagsulat.