Pangkalahatang Programa

PANGKALAHATANG PROGRAMA NG SENTRO NG WIKANG FILIPINO DILIMAN

Bilang pag-alinsunod sa Patakarang Pangwika ng Unibersidad ng Pilipinas (1989), lalo na sa mga tadhana 2.2 at 2.3, may dalawang pangkalahatang programa ang Sentro ng Wikang Filipino sa UP Diliman:

I. Filipino bilang wikang panturo

  1. Pagpapalaganap ng Filipino sa iba't ibang kolehiyo at opisina ng UP.
  2. Pagbuo ng mga Lupon sa Wika sa iba't ibang kolehiyo at opisina ng UP.
  3. Paghahanda at paglalathala ng mga aklat, sanggunian, at iba pang kasangkapan sa pagtuturo.
  4. Pagdaraos ng mga seminar at kumperensiya upang mapalakas ang tangkilik sa Filipino ng mga guro at mag-aaral.
  5. Pagtataguyod sa mga timpalak at gawad pangwika at pampanitikan.
  6. Pagtataguyod sa mga gawain at samahang pangwika sa labas ng unibersidad.

II. Filipino bilang wika ng saliksik

  1. Pagbuo ng UP Diksiyonaryong Filipino upang maging kasangkapan sa mga saliksik.
  2. Pag-aaral at pagbuo ng mga bokabularyo sa mga katutubong wika.
  3. Pagbuo ng glosaryong akademiko.
  4. Pagtitipon at pagpapayaman ng mga materyales at sanggunian sa saliksik pangwika.
  5. Pagsasalin ng mga batayang aklat sa iba't ibang larang akademiko.
  6. Pagsusulong ng sining at agham ng pagsasalin.
  7. Sa pamamagitan ng SWF Grant sa Saliksik-Wika, pagtataguyod sa mga saliksik pangwika at pangkultura sa Filipino.

Sa ilalim ng Filipino bilang wikang panturo, itinataguyod ngayon ng SWF ang sumusunod na proyekto:

  1. Komite sa Wika
    Nagtatag ng Komite sa Wika sa bawat kolehiyo at opisina sa Unibersidad ng Pilipinas ng binubuo ng mga propesor at iba pang kawaning akademiko sa ilalim ng isang tagapag-ugnay. Ang bawat Komite sa Wika ang inaasahang bubuo ng mga gawain sa loob ng kolehiyo tungo sa pagpapalagangap ng kaalaman sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo. Ang mga tagapag-ugnay sa kolehiyo at opisina ay regular na pinupulong ng direktor ng SWF.

  2. Aklatang Bayan
    Pagpapasulat at paglalathala ng mga batayang aklat sa iba't ibang larang akademiko na may diin sa mga batayang aklat pangkolehiyo at sa mga larang ng agham at matematika.

  3. Uswagan
    Mga pagkilos para pabilisin ang pagtanggap sa Filipino sa mga rehiyong di-Tagalog gaya sa pagdaraos ng timpalak pagsulat ng sanaysay para sa mga estudyante ng UP Visayas.

  4. Ugnayan
    Aktibong pakikilahok at networking sa hanay ng mga organisasyong pangwika sa buong bansa, gaya ng SALIN, FIT, WIKA, NCLT, PSW, lalo na sa pamamagitan ng pagtulong sa pagdaraos ng mga pulong at seminar ng naturang mga organisasyon.

Sa ilalim naman ng programang Filipino bilang wika ng saliksik, itinataguyod ng SWF ang sumusunod na proyekto:

  1. UP Diksiyonaryong Filipino
    Isang komprehensibo, modernisado, at monolingguwal na diksiyonaryo na naglalaman ng mga salita mula sa korpus na Tagalog, mga salita mula sa mga katutubo at banyagang wika, at mga salita na bagong hiram at likha alinsunod sa nagaganap na paggamit sa Filipino ngayon. May dalawa na itong edisyon at panukalang maging isang permanenteng proyekto ng Unibersidad upang maipakilala ang pangunguna nito sa pagpapalaganap at intelektuwalisasyon ng Wikang Pambansa.

  2. Bokabularyo at Glosaryo
    Pagbuo at paglalathala ng mga bokabularyo sa mga wika ng Filipinas, kabilang na ang mga bokabularyong nalathala na may pakahulugang Espanyol o Ingles, at mga glosaryo sa iba't ibang larang akademiko lalo na ang mga glosaryong produkto ng mga Lupon sa Wika.

  3. Daluyan
    Refereed journal na lumilikom sa mga pangunahing akda at saliksik sa wika at kultura na nakasulat sa Filipino.

  4. Pintungan
    Pagtitipon at pagpapayaman sa aklatan at koleksiyon ng mga materyales at sanggunian sa saliksik pangwika.

  5. Salinan
    Mga gawain kaugnay ng pagsusulong sa pagsasalin sa Filipino gaya ng workshop para sa mga tagasalin, paglalathala ng mga babasahin at gabay sa pagsasalin, at paghahanda sa propesyonalisasyon ng pagsasalin sa Filipinas.

  6. SWF Grant sa Saliksik-Wika
    Pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga panukalang saliksik na tumutugon sa Adyenda sa Saliksik ng Unibersidad lalo na sa saliksik pangwika.