Presentation Date:
Location:
Tunay na naging masalimuot ang mga talakayan hinggil sa pagdalumat, pag-iral, at kahihinatnan ng Filipino: una, bilang wikang pambansa at patakarang pangwika na ipinatupad sa isang bansang multilinggwal at kagagaling lamang sa panahon ng kolonyalismo; at pangalawa at kapwa-mahalaga, bilang isang wikang masasabing lehitimo sang-ayon sa iba't ibang akademiko at pulitikal na pamantayan. Ang panel na ito, kung gayon, ay magtatangkang mag-ambag sa diskursong ito sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa mga pinagdaanan ng wikang Filipino mula sa lente ng mga disiplina at espesyalisasyon ng linggwistiks at aralin sa wika. Unang tatalakayin ang naging usapin ukol sa Filipino bilang isang lehitimong wika, sa pamamagitan ng pagtalaytay sa kasaysayan at pag-unlad ng isang pambansang wika sa konteksto ng Pilipinas, ang tinatawag na "Universal Nucleus" at ang paghahanap sa wikang Filipino, at ang istruktura at sosyolinggwistik na katayuan nito bilang isang lingua franca na pambansa ang nasasakupan. Susunod na tatalakayin ang Filipino bilang paksa o asignatura sa mga paaralan (elementarya at hayskul) at pagtatasa sa mga ipinatutupad na kahingiang laman at inaasahang kakayahan at kaalaman ng mga mag-aaral nito. Panghuli, bibigyang-pansin ang pagtataguyod sa Filipino bilang larangan, sa pamamagitan ng paglalahad ng ilang historikal na tala tungkol sa pagkakatatag ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (buhat sa Departamento ng Linggwistiks), pagtalakay sa kung paano isinusulong ang Filipino bilang isang tatluhang larangan (istruktura, pagpaplanong pangwika, at pagsasalin), at pagsipat sa larangan ng Filipino sa konteksto ng gradwado at di-gradwadong pag-aaral.
Co-presenters: Mary Ann G. Bacolod, Ma. Althea T. Enriquez, April J. Perez, Francisco C. Rosario, Jr., and Jurekah Chene S. Abrigo