Paki-unmute: Makabagong hamon at mga bagong oportunidad para sa linggwistik na pananaliksik

Presentation Date: 

Wednesday, April 20, 2022

Location: 

Salindunong 2022: Ika-14 Pambansang Kumperensiya sa Filipino at Pananaliksik (Virtual Meeting via Zoom)

Hindi kaila sa marami ang napakalaking epektong idinulot ng pandemyang COVID-19 sa lahat ng aspekto ng buhay ng sangkatauhan. Hindi lamang ang larangan ng medisina ang nakaranas ng pag-uswag upang makahabol sa pagtugon sa pangangailangan ng lahat, kundi maging ang iba pang mga disiplinang nagbibigay ng malawak at malalim na kaalaman upang maging makatao ang pagbuo at pagpapairal ng mga patakaran bilang tugon sa pandaigdigang kalusugan at kagalingan. Maaari ring sabihing naging catalyst ito upang ang ipakilala ang mga bagong kaayusan at pamamaraan sa iba’t ibang larangan, gaya ng edukasyon, pakikipagkapwa, at pananaliksik. Sa presentasyong ito, ilalahad ang mga pagbabagong pinagda(ra)anan sa larangan ng linggwistiks mula sa punto de bista ng institusyong nagtataguyod nito, nang sa gayon ay masinop ang iba’t ibang makabagong pamamaraang naging tugon sa mapanghamong yugtong ito sa kasaysayan. Itatampok ang mga kasalukuyang proyektong binibigyang-halaga upang maipagpatuloy at maluwalhating maisagawa ang iba’t ibang pananaliksik sa makaagham na pag-aaral ng wika, gamit ang mga makabagong pamamaraan upang (1) maging gabay sa mga nagnanais na makapagsagawa ng sariling pag-aaral; (2) matasa ang kaangkupan ng mga metodolohiyang ito sa uri ng pananaliksik na nais gawin; at (3) magsilbing lunan sa pagrebisa at/o pagtuklas ng iba pang malikhaing pamamaraan upang maitaguyod ang makabuluhang pag-aaral ng wika alang-alang sa iskolarsyip at, lalong mahalaga, sa kapakinabangan ng lipunan na may pagsasakonteksto sa Pilipinas at pagsasaalang-alang sa hamong kinakaharap sa kasalukuyan.