Presentation Date:
Location:
Abstrak
Totoong ang Lalawigan ng Rizal ay bahagi ngayon ng Rehiyon IV-A (CALABARZON) na minsang tinaguriang “Timog Katagalugan”. Ngunit, lampas at higit pa sa iisang bersiyon ng Tagalog/Filipino ang kuwento ng Rizal pagdating sa yaman ng mga wika at diyalektong ginagamit dito. Bakit iba magsalita ang mga taga-Teresa, Morong, Baras, Tanay, at Cardona sa mga taga-Taytay o ‘di kaya naman sa mga taga-Antipolo, Binangonan, o San Mateo? Bakit may pagkakatulad ang ilang mga katangian ng pananalita na ito sa pananalita sa iba pang lalawigan sa rehiyon, at kahit sa mga wika sa Kabikulan at Kabisayaan? Sa loob din ng ating probinsya ay may wikang tinatawag na Hatang-Kayi o Dumagat, Remontado; isang wikang may mas malapit na ugnayan sa Kapampangan at Sambalì kaysa sa Tagalog. Paano nagkaroon ng ugnayan ang isang katutubong wika sa Rizal sa mga wika sa Gitnang Luzon? Pagdating naman sa mga wikang biswal, ang pambansang wika ng mga Pilipinong Bingi ay ang Filipino Sign Language o FSL. Saang mga lugar sa ating lalawigan ginagamit ang wikang pasensyas na ito? Sa panayam na ito, sasagutin ang mga katanungang inilahad sa itaas at magpepresenta ng isang naratibo ng paglaganap ng samut-saring mga wika at wikain sa loob ng ating lalawigan.
Mga susing salita: Tagalog, Filipino, Hatang-Kayi, Dumagat, Remontado, Filipino Sign Language, FSL, diyalektolohiya, kasaysayang pangwika
Invited plenary talk at the Ikalawang Pambansang Kumperensiya sa Kasaysayan at Pamanang Rizalenyo [Second National Conference on the History and Heritage of the People of Rizal]. Session recording available at https://www.facebook.com/BuklurangRizalenyo/videos/891195519326477.