Mayo 29, 1989 nang aprobahan ng Lupon ng Rehente ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang UP Patakarang Pangwika. Ambag ang patakarang ito sa pagsasabuhay ng mga probisyong pangwika sa Konstitusyon. Itinatakda ng Artikulo XIV, seksiyon 6 at 7 ang ganito:
Alinsunod sa mga probisyon ng batas at kung mamarapatin ng Kongreso, gagawa ng hakbang ang Pamahalaan upang simulan at itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang wika ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon.
Para sa komunikasyon at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Filipinas ay Filipino at, hangga't walang ibang itinatakda ang batas, Ingles.
Pangunahing itinatakda ng U.P. Patakarang Pangwika ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa Unibersidad sa di-gradwadong level sa loob ng isang risonableng panahon ng transisyon. Sa panahong ito, pasisiglahin ang paggamit ng Filipino sa pananaliksik, gawaing ekstensiyon at bilang wika ng opisyal na komunikasyon. Kaakibat nito ang pagsuporta sa paggawa ng mga teksbuk at iba pang gamit panturo; pagpapaunlad ng pananaliksik sa Filipino at iba pang wika sa Filipinas; at pagsusulong ng pagsasalin ng mga materyal na panturo.
Pinangunahan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Kolehiyo ng Arte at Literatura kasama ang Kolehiyo ng Edukasyon at Departamento ng Linggwistiks ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, ang pagtuturo ng wika, pananaliksik, serbisyong ekstensiyon kaakibat ang tunguhin ng ebolusyon ng wikang Filipino sa panahon ng transisyon. Bilang katuwang ng tatlong pang-akademyang yunit na nabanggit, itinakda rin sa Patakarang Pangwika ang pagtatatag ng isang Sentro ng Wikang Filipino upang suportahan ang mga gawain ng mga iskolar sa Filipino at ibang wika sa Filipinas.
Matapos maaprobahan ang Patakarang Pangwika, isinilang ang UP Sentro ng Wikang Filipino (UP SWF) na siyang tumulong sa pagsubaybay ng implementasyon ng Patakarang Pangwika sa level ng sistema ng UP. Unti-unti, nagtatag din ng Sentro ng Wikang Filipino sa iba't ibang yunit ng UP tulad ng Los Baños, Manila, Visayas/Iloilo, Mindanao, Baguio, Cebu, at Tacloban.
Aktibong kumilos ang UP Sentro ng Wikang Filipino hindi lamang para tumulong sa pagpapatupad ng Patakarang Pangwika kundi para paunlarin at palaganapin ang pambansang wika. Sa loob ng UP, aktibo itong lumahok sa pagbuo ng mga Komite sa Wika sa mga kolehiyo. Sa labas ng UP, nakipag-ugnay ito sa DepEd (dating DECS), CHED, Korte Suprema at PRC (Professional Regulation Commission) para isulong ang paggamit ng Filipino sa edukasyon at sa pamahalaan. Nakipagpulong din ito sa ilang kongresista at senador upang itaguyod ang mga panukalang batas sa wika lalo na ang pagtatatag ng Komisyon sa Wikang Filipino. Pinangunahan din nito ang pagbuo ng Sanggunian sa Filipino (SANGFIL), isang samahan ng mga pang-akademyang institusyon na nagtuturo ng Filipino upang pabilisin ang estandardisasyon ng wika at ang pagpapalaganap nito lalo sa akademya.
Nagdaos din ang UP SWF ng iba't ibang kumperensiya, seminar at workshop sa pagtuturo ng/sa Filipino, pagsasalin, pagsulat ng teksbuk sa Filipino. Nag-isponsor ito ng iba't ibang lektyur-forum at Kapihan sa Wika para talakayin ang mga napapanahong isyung pangwika. Naglathala ito ng Daluyan: Journal ng mga Talakayang Pangwika para mailimbag ang mga natatanging pag-aaral at pananaliksik pangwika. Bumuo ito ng mga glosari at diksiyonaryo sa iba't ibang disiplina, at sumunod dito ang isang komprehensibong diksiyonaryo na monolinggwal sa Filipino, ang UP Diksiyonaryong Filipino. Pinasimulan nito ang isang malawakang proyekto ng pagsulat ng mga teksbuk sa Filipino para sa iba't ibang disiplina-ang Aklatang Bayan. Sa pamamagitan nito, natugunan ang pangangailangan sa mga kagamitang panturo ng mga gurong nagsisimula at nais gamitin ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo at pagkatuto. Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, napaigting ang pagpapatotoo na may kakayahang magamit ang Filipino para sa iba't ibang diskurso kahit ang akademiko.
Noong Marso 2001, dumaan sa proseso ng debolusyon ang UP Sentro ng Wikang Filipino. Itinatag ang UP Konseho ng Wikang Filipino na siyang susubaybay sa mga gawaing pangwika sa level ng sistema ng UP. Kasabay nito, itinatag din ang Sentro ng Wikang Filipino-Diliman. Kumikilos ang mga SWF sa bawat yunit ng sistema ng UP at inaasahang makokoordineyt ang mga proyekto at mga gawain nito sa level ng UP Konseho ng Wikang Filipino.
Mula 2001 hanggang 2004, ay ipinagpapatuloy ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman ang mahahalagang proyekto tulad ng Aklatang Bayan, Sangfil, UP Diksiyonaryong Filipino, Kapihan sa Wika, Daluyan, at mga kumperensiya at seminar-workshop sa wika. Itinatag din ang isang lupong tagapayo—ang Dap-ay Filipino—na binubuo ng mga kinatawan mula sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, Departamento ng Linggwistiks, at Language Teaching Area ng Kolehiyo ng Edukasyon. Sa tulong ng Dap-ay Filipino, itinataguyod ng SWF ang iba't ibang programa at proyektong pangwika. Ilan dito ang sumusunod:
- Saliksikang Filipino: Filipino Language Resource Center, isang repositoryo ng mga pag-aaral at pananaliksik sa Filipino at iba pang wika sa Filipinas;
- Direktoryo Sulong Filipino, isang pagtatala at pagmamapa ng lakas ng mga indibidwal, samahang pangwika, institusyong pampananaliksik, institusyong pang-akademya na may programa sa Filipino, ahensiyang pampamahalaan na may kaugnayan sa wikang Filipino at internasyonal na network na nagsusulong ng Filipino;
- Glosari ng mga Terminong Akademiko at Administratibo, pagsasalin ng mga terminong karaniwang ginagamit sa mga form at iba pang opisyal na komunikasyon sa UP;
- Manwal ng Estilo, pagbuo ng isang manwal na gagabay sa pagsulat at pag-eedit ng mga aklat at journal sa wikang Filipino;
Tuloy tuloy pa rin ang mga nasabing proyekto ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman mula 2004 hanggang 2007. Kasabay nito ay aktibong nakilahok ang SWF-UP Diliman sa mga pagkilos upang tutulan ang mga patakarang pumipigil sa pagsulong ng wikang Filipino (i.e. EO 210), sa pamamagitan ng paglahok sa mga talakayan, konsultasyon, at pagbuo ng mga samahan (i.e. Wika). Kaugnay nito ay tumulong ang SWF-Diliman sa paglalathala ng Kartilya ng Wikang Filipino bilang Wika ng Edukasyon na tumatalakay sa mahahalagang tanong kaugnay ng paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo.
Naging aktibo ring muli ang pag-uugnayan ng mga SWF sa iba't ibang yunit ng UP sa pamamagitan ng Konseho ng Wikang Filipino na pinamumunuan ng tanggapan ng Bise Presidente sa Akademikong Usapin ng U.P. Sa pamamagitan ng Konseho ng Wikang Filipino ay nagkakaroon ng pagpapalitan ng karanasan at kuro-kuro ang SWF ng bawat yunit ng U.P. tungo sa mas aktibong koordinasyon ng kani-kanilang inisyatiba para sa wikang Filipino at iba pang wika sa Filipinas.
Sinimulan rin ang proyektong Bahay ng Wikang Filipino sa panahong ito.Layunin nito na magkaroon ng isang permanenteng lugar para sa opisina ng Sentro ng Wikang Filipino-Diliman.