Pagbalik tanaw sa kasaysayan, pagsusuri sa kasalukuyan, at pagpaplano para sa hinaharap ang paraan ng selebrasyon ng UP Diliman Sentro ng Wikang Filipino sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas.
Isa sa mga tampok na gawain kaugnay nito ang isang kamustahan at talakayan pangunahin ng mgadirektor/tagapag-ugnay ng iba’t ibang Sentro ng Wikang Filipino sa bawat yunit ng Unibersidad ng Pilipinas kasama ang Los Banos, Baguio, Manila, Tacloban, Cebu, Visayas Iloilo, at Mindanao.
Inaasahan na mag-ulat ang bawat yunit at magbigay ng maikling presentasyon na nakatuon sa diskusyon ng estado at lagay ng kanilang mga yunit matapos ang debolusyon noong 2001 at pagpapatupad ng palisi sa wika ng Unibersidad.
Bilang paggunita sa petsa ng pagpapatibay ng Lupon ng mga Rehente sa pagtatatag ng UP SWF, isasagawa ito sa Mayo 29, 2014 sa University Hotel, UP Diliman, Lungsod Quezon.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan kay Gemma Dalmacion sa telepono blg. 981-8500 lokal 4584. Maaari ring mag-email sa upd.swf@gmail.como bisitahin ang facebook page ng SWF sa https://www.facebook.com/pages/Sentro-ng-Wikang-Filipino-Diliman para sa iba pang detalye.