Date:
Location:
Buwan ng Wika 2014:
“Sentro@Beynte-singko: Laban Filipino, Sulong Wikang Pambansa,”
Ang Sentro ng Wikang Filipino – UP Diliman (SWF), sa pakikipagtulungan sa UP Kolehiyo ng Arte at Literatura (UP KAL) at Tanggapan ng Tsanselor ng UP Diliman ay magdaraos ng Buwan ng Wika 2014 sa darating na Agosto 27, Miyerkoles, 8:00 nu – 5:00 nh, na gaganapin sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Kolehiyo ng Arte at Literatura, Faculty Center, UP Diliman, Lungsod Quezon. Dadaluhan po ito ng mga Komite sa Wika ng iba’t ibang Kolehiyo ng UP Diliman at mga opisyal ng UP at bukás din po ito sa lahat ng nais dumalo. Ang tema po para sa taóng ito ay “Sentro@Beynte-singko: Laban Filipino, Sulong Wikang Pambansa,” bilang paggunita sa ika-25 anibersaryo ng SWF at bilang pagbibigay ng diin sa halaga ng Filipino sa akademya na nahaharap ngayon sa dagok dulot ng CHED Memo Blg. 20 s2013.
Gaya ng mga nakaraang selebrasyon ng Buwan ng Wika, kinapapalooban ng tatlong mahalagang bahagi ang programa: “panayam,” “parangal,” at “paglulunsad.”
Ang programa ay bubuksan ng mga “Panayam,” sa pangunguna ng Susing Tagapanayam na si Prop. Rolando de la Cruz, pangulo at CEO ng Darwin International School System, isang natatanging alumnus ng UP, isang guro, administrador ng isang institusyong pang-edukasyon, kolumnista, at kilalang tagapagsulong din ng wikang Filipino at kultura sa pamamagitan ng edukasyon. Sa pamamagitan niya, mas lalong mapagtitibay ang patuloy na pagtataguyod sa wikang pambansa bilang importanteng salik sa totoong pag-unlad ng bansa na kailangan maipamulat sa mga pinuno ng bansa lalo na sa larang ng edukasyon. Bukod kay Prop. de la Cruz, magbibigay rin ng panayam si Dr. Clemen Aquino ng Departmento ng Sosyolohiya upang maipakita ang maunlad na gamit ng Filipino sa saliksik sa larang Sosyolohiya.
Ang bahaging “Parangal” ang magbubukás sa panghápong programa. Malugod naming ipinababatid na para sa taóng ito, ang bibigyan ng pagkilala ay si Dr. Teresita G. Maceda bilang natatanging personalidad na may malaking ambag sa pagtataguyod ng wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Isa siya sa mga nakipaglaban upang magkaroon ng Patakarang Pangwika ang UP noong 1989 na naging daan sa pagkakatatag ng SWF na pinagsilbihan rin niya bilang pinakaunang direktor na nagdiriwang ngayon ng ika-25 anibersaryo. Higit sa lahat, kinikilala rin ang patuloy niyang paglilingkod sa wika bilang guro at administrador nang maluklok siya bilang tagapangulo ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP hanggang sa magretiro. Pagkaraan ng parangal kay Dr. Maceda, iaanunsiyo rin ang mga nagwagi para sa mga parangal para sa “Pinakamahusay na Artikulo sa Daluyan Journal,” “Pinakamahusay na Teksbuk,” at “Natatanging Kolehiyo sa UP Diliman.”
Matatapos ang programa sa pamamagitan ng “Lunsad-Aklat” para ipakilala ang pinakabagong mga lathalang aklat ng SWF at ang pinakabagong isyu ng Daluyan Journal.
Sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, umaasang magiging modelo ang Unibersidad ng Pilipinas sa patuloy nitong pakikipaglaban para sa wikang Filipino bilang pangunahing wika ng karunungan at pagsulong nito bilang wikang pambansa.
Para sa detalye, maaaring tumawag sa Sentro ng Wikang Filipino - UP Diliman sa Tel. Blg. 924-4747 / 981-8500 lok. 4583, magpadala ng email sa upswfdiliman@gmail.com, o bumisita sa aming website: pages.upd.edu.ph/sentrofilipino.