Panimulang Katibayan tungkol sa Ginhawa na dulot ng Dalawang Pamamaraan ng Sikoterapi

Citation:

Carido, N. C. S., Rilveria, J. R. C., Lansangan, A. V. G., & Villaflor, A. G. N. (2024). Panimulang Katibayan tungkol sa Ginhawa na dulot ng Dalawang Pamamaraan ng Sikoterapi. In Ang Ginhawa bilang Hangarin at Balangkas sa Paglikha ng mga Mapagkalingang Unibersidad (pp. 61-66) . National Commission for Culture and the Arts.
Panimulang Katibayan tungkol sa Ginhawa na dulot ng Dalawang Pamamaraan ng Sikoterapi

Abstract:

Isa sa mga hamong kinahaharap ng komunidad ng UP Diliman ay ang nakakalulang dami ng estudyante at empleado ng Unibersidad na may pangangailangan sa kalusugang pang-isipan. Hindi sapat ang bilang ng mga psychosocial support specialist (PSS) ng UP Diliman Psychosocial Services (UPD PsycServ) sa dami ng mga nagpapatala para sa serbisyong sikolohikal, kung kaya’t kadalasan ay inaabot ng ilang linggo o isang buwan ang paghihintay bago magkaharap at magkausap ang isang estudyante at kaniyang nakatalagang PSS. Ang pangangailangan ng suportang sikososyal ay lalo lamang napalawak at napaigting ng pandemyang COVID-19. Kasabay ng ilang dagdag na balakid ay ang sunod-sunod na lockdown at pansamantalang pagbabawal sa harapang pakikipag-ugnayan.

Batid ng aming pag-aaral ang kagyat na pangangailangan ng  serbisyong evidence-based o nakaangkla sa ebidensiya upang tugunan ang mga hamon sa kalusugang pang-isipan ng Unibersidad. Bilang tugon sa pangangailangang ito ng komunidad ng UP Diliman, nagsagawa kami ng isang programang group psychotherapy na inaasahang pauna sa mga maisasagawang group psychotherapy sa kalaunan. Ang programang ito ay kilala bilang Mindfulness-Based Cognitive Therapy o MBCT. Lumabas sa mga iba’t ibang pag-aaral na ang MBCT ay isang mabisang pamamaraan ng sikoterapi upang maiwasan ang paglala ng depresyon, pagkabalisa, at stress (MacKenzie & Kocovski, 2016; Sipe & Eisendrath, 2012). Kaya, nilayon ng aming pag-aaral na magamit ang group psychotherapy sa pamamagitan ng MBCT upang makapagbigay ng suporta at ginhawa sa mas nakararami. Magagamit din ang mga resulta ng pag-aaral sa pagbuo at pagsasagawa ng mga serbisyong sikolohikal na naaayon sa konteksto at karanasan ng indibidwal, grupo, at komunidad.

Sa kabanatang ito, ilalahad ang ilan sa mga obserbasyon at pagtatanto, maging ang mga puna at pangunahing natuklasan ng aming pag-aaral tungkol sa gamit o husay ng MBCT at kung paano napabubuti ng mga serbisyong sikolohikal ang kakayanan at kasanayan ng mga kliyenteng mag-aaral na harapin ang mga pagsubok sa buhay.

Publisher's Version

Last updated on 05/15/2026